Monday, September 29, 2008

Si Dadda naman

Ten years from now, pag nakakaintindi na si Potling, siguradong magtataka at mag-iisip siya kung bakit si Mommy lang niya ang nagsusulat ng mga naiisip, nararamdaman at kung anu-ano pang hinagap habang tenant siya sa isa sa mga second-to-the-smallest classrooms in the world. Kaya para hindi niya yun maisip, heto't magpaparamdam for the first time (in writing) ang Dadda niya.

Disclaimer lang, nung nasa college pa kami ni Potengsh, hilig ko talaga (well, namin) ang pagsusulat. Pero mula nung maka-graduate at magtrabaho, parang nagkaroon ako ng alienation sa paghahabi ng salita. Alam ko, walang justification, pero kung ikaw na ang maghapong walang ginawa kundi gumawa ng kopya tungkol sa mga superficial needs (the ultimate lifestyle is all here... where everything comes together!) o mag-edit ng mga "report" mula sa mga hindi man lang makabuo ng isang matinong 10-word English sentence (this is Baby product, with music and sound for each button on the chair and Teaching function for baby is very easy), siguradong isang delightful sight para sa yo at the end of the day ang isang durog na keyboard, basag na monitor at mangled na Clippit. Good luck na lang sa efforts mo na makapagsulat ng kahit anong may katuturan.

Kaya makalipas ang anim na taong pananahimik, susubukan ko ulit ang isang nakalimutang sining. Alang-alang sa pinakamamahal kong si Potling. Op kors, pati na rin si Potengsh.

Sabog-sabog ang takbo ng isip ko mula nung nalaman namin na dumating na si Potling. Pero hindi yung sabog of the bad kind. Parang labo-labong mga iniisip na kung susumahin eh klaro pa rin ang lahat sa akin. Isang beses naglalakad ako sa Paseo para magwithdraw ng pera. One moment iniisip ko kung magiging mabuti kaya akong tatay. The next moment, walang segue-segue, bigla ko na lang naisip na mukhang magandang pangalan ang Keith Ian (Conrad, kung may third name), pero binawi ko rin kasi walang input si Potengsh dun. Tapos, pano kaya yung setup namin pag andyan na si Potling? Sino kayang mag-aalaga sa kanya habang nasa opis kami? Kelangan ko kayang magresign?

Tapos isang hapon, may nakita akong link sa Fark tungkol sa isang tatay na humihingi ng tulong para sa anak niyang may brain cancer. Alam ko Amerikano sila at kung tutuusin, mas maraming nangangailangan ng tulong sa Darfur, Somalia, Myanmar, North Korea at kung saan-saan pang impyerno sa mundo. Pero parang may nalusaw sa pagkatao ko nung sinabi niyang "I feel so pathetic asking for help from strangers", na kung ako ang nasa kalagayan niya, paano kaya? Di ko napigilan ang sarili ko. Naglabas ako ng wallet at nagbigay ng maliit na halaga. Usually hindi ko yun ginagawa. OK, correction, hindi ko TALAGA yun ginagawa. Kahit nga nakakakita ako ng streetchildren dito na mismo sa atin, hindi pa rin ako nagbibigay kahit 5 sentimong may tapal. Ewan ko, iba kasi yung siya tatay, ako magiging tatay na din. Siya kelangan ng tulong yung anak para makasama at mahawakan pa nang matagal, ako hindi pa man nakikita ang anak pero gustong gusto ko nang makasama at mahawakan siya. Hindi ko pa rin ma-pinpoint nang maayos bakit ako nagkaganun. Posibleng may isang dahilan lang, posibleng sangkatutak. Sana lang pag nababasa na ni Potling ito, meron na akong final answer para sa kanya.

1 comment:

Agent 007-429 said...

OMG si Potling lang pala ang kelangan para magsulat kang muli! Yupiiiiii!